Tuesday, February 24, 2009

a "ultimate" farewell

sa loob ng dalawampu’t apat na oras ay tuluyan ng magpapaalam si stan. pagkatapos ng halos apat na buwan ng paglagi ko sa mundong ito ng blogosphere, panahon na upang lisanin ko ang lugar na itong itinuring ko na ring aking tahanan.

kahapon sa aking paglalakbay ay sinubukan kong tahakin ang isang bagong daan. sa una’y takot at kaba ang hatid nito sapagkat ang landas ay hindi pamilyar sa akin. apat na oras at daan-daang kilometro ang lumipas saka ko pa lamang nasilayan ang mga landmarks na nagsasabing narating ko na ang aking destinasyon. dahil dito, akin ng pinakawalan ang isang malalim na buntong-hininga.

tunay ngang sumasalamin ang bagay na ito sa kung anuman ang nagaganap sa aking kasalukuyan. binigyang buhay ko ang what happens next upang palayain ang aking isipan sa mga katanungang hindi ko kayang sagutin at mga katotohanang hindi ko masasasabi sa iba. ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, naligaw ako ng daan tungo sa aking kahapon. at muling nabuhay ang pag-aalinlangan.

at ngayon nga ay nasa harapan ako ng sanga-sangang kalsada na walang kasiguruhan. madilim ang landas na kailangang tahakin subalit napapanahon ng hanapin kong muli ang aking sarili. gaya ng aking natutunan simula ng ako’y magpasyang mabuhay mag-isa malayo sa aking pamilya, hindi ko maaaring ipagkatiwala ang aking bukas sa iba kundi sa mga kamay ko lamang.

gayunpaman, nais kong kuhanin ang pagkakataong ito upang mag-iwan ng pasasalamat sa mga taong sinabayan ako sa aking paglalakbay. ang bagay na ito ay hindi ko inaasahan pero tunay ngang tumataba ang aking puso sa katotohanang nakahanap ako ng mga tunay at mapagmahal na kaibigan sa maikling panahong inilagi ko dito.

sa iyo, sa mundong ito, ikaw ang una kong nakilala at itinuring na kaibigan. naging tagapagtago ng aking mga lihim at tagapagbigay ng lakas ng loob. ano ba ang sekreto mo at lagi mo akong napapatawa? alam kong mayroon ka ring kinakaharap na bagay ngayon kaya’t asahan mong sa kabila ng pagsasara ng blog na ito, ang aking puso ay nananatiling bukas para sa iyo. tandaan mo lang, hindi ako ganoon kalayo.

sa iyo, matapang ka sapagkat hinaharap mo ang mga bagay ng taas-noo sa kabila ng katotohanang mahirap ang iyong kalagayan. mapagmahal ka sapagkat pinili mong alalayan ang isang pamilyang hindi mo naman kaano-ano. alam kong mahirap pa ang labang iyong haharapin upang ipaunawa sa lahat ang maraming bagay tungkol sa hiv pero asahan mong kung hindi mo na kaya, ako ang lalaban para sa iyo.

sa iyo, hindi ko man nasuklian ang iyong kabaitan ay nanatili kang nandyan sa aking tabi. bunso, sa dulo ng iyong paglalakbay ay naroon ang taong nakalaan sa iyo. mahalin mo siya tulad ng pagmamahal na natutunan mo sa iyong pamilya. huwag ka palang mag-alala, ang pangakong road trip sa tagaytay ay hindi ko nakakalimutan.

sa iyo, nitong huli na lamang ng makilala kita subalit naniniwala akong hindi pa naman huli upang makilala natin ang isa’t isa ng lubusan. ikaw ang aking karamay sa panahong pinili kong pansamantalang iwanan ang mundong ito. maniwala ka sa akin na ang speed junkie ay laging mag-iingat. itabi mo ‘yung monterey ko, kukunin ko yan.

sa iyo, kung naniniwala ka pa sa sinseridad ng aking mga mata, isipin mo sanang pasasalamat ang nararamdaman ko para sa iyo. sa puntong ito ay tuluyan ng maghihiwalay ang ating mga landas subalit patuloy kong idadalangin na ikaw ay lumigaya.

si stan ay patuloy na maglalakbay upang hanaping muli ang tamang daan. mahirap man at mapanganib, kakayanin ko ang mga hadlang sapagkat alam kong sa aking panibagong tatahakin, dala ko ang mga ala-ala, aral, at habilin na mula sa inyo. dahil diyan, alam kong hindi ako nag-iisa.

maraming salamat.

3 comments:

  1. Whoa! Is this decision related to your blog post entitled "Truths"?

    Well, I just hope your decision leads you to peace. And if not, may you find the courage to make new decisions towards peace.

    Take care!

    ReplyDelete
  2. No farewells, John Stanley. No goodbyes. You're not getting away that easily. :-)

    ReplyDelete
  3. @joelmcvie: that blog post is, indeed, a part of it, and more. until yesterday's journey, the decision to close the blog is not yet final. i told myself last night i will sleep on it and upon waking up this morning, i just realized that its the best thing for me to do.

    @pinoypoz: then i guess, for you my friend, "so long" is more appropriate.

    ReplyDelete