Thursday, February 12, 2009

sarili kong marathons

ako ay isang malaking-malaking couch potato

simula ng tanggapin ko ang katotohanang dadalhin ako ng aking trabaho sa malalayo at liblib na lugar, isa sa nakahiligan kong pampalipas-oras ay panonood ng dvd.

naalala ko ‘nung wala pa si zoom-zoom, tamad na tamad akong lumabas ng planta. bakit nga naman hindi e napakalaking pahirap na agad ‘yung pagpunta pa lamang sa simbahan ng antipolo. mula sa lugar ko, sasakay ako ng traysikel at bibyahe ng humigit-kumulang kalahating oras para makalabas ng bundok. pagkatapos nito ay mga dalawampung minuto naman sa dyip para makarating sa bayan. minsan naman kapag sinwerte ay pwede ring makisakay sa malalaking trak palabas. sayang ang tubig, sabon, shampoo at pabango na ginamit mo dahil wala ka pa sa nais mong puntahan, lahat ng alikabok, dumi, usok at masamang hangin e nasagap mo na.

kaya naman kung wala rin lamang importanteng gagawin sa labas ng planta ay mas pinipili kong umuwi na lang at maglagi sa maliit kong kwarto. pag-uwi ko sa gabi mula sa trabaho ay sisimulan ko na ang magdamagang dvd marathon, dahilan upang maging antukin sa trabaho kinabukasan.

noong una, karaniwang mga pinapanood ko ay mga pelikula subalit sa bandang huli ay magsasawa ka rin pala lalo na kung wala ka ng mapagpipilian. dito ako nagsimulang mahilig sa mga series na talaga namang kailangang tutukan para makuha mo ang kabuuan ng kwento. sa loob ng halos tatlong-taon kong paglagi rito, kabilang na ang paminsan-minsang paglabas ng bansa, ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga panooring aking pinaglaanan ng oras at panahon:

1. smallville – kwento ng teenager na clark kent. natapos ko na mula season 1 hanggang season 7. kasalukuyan kong hinihintay makumpleto ang season 8 bago ako bumili ng dvd.

2. sex and the city – minsan sa buhay ko ay naging tagahanga rin ako ni carrie bradshaw. ‘nang makilala ko ang fabcasters kamakailan lang, ang palabas na ito ang unang pumasok sa isip ko.

3. charmed – isa sa hilig ko ay mga bagay na may kinalaman sa occult at talagang marami akong natutunan sa loob ng walong seasons ng series na ‘to.

4. supernatural – sinabayan ko rin ang winchester brothers sa pakikipaglaban sa mga kampon ng kadiliman.

5. kyle xy – ito ang nag-iisang family drama na aking nagustuhan at sinubaybayan. kwento ito ng isang clone na kinupkop ng isang pamilya sa kabila ng mga kakaibang bagay tungkol sa kanya.

6. moonlight – isang bampirang private detective. maganda ang daloy ng kanyang kwento kaya hindi ko maintindihan kung bakit hindi na sinundan ang season 1.

7. gossip girl – dahil sa hot item ito ngayon, malamang sa hindi ay alam nyo na ang kwento. you know you love me, xoxo…

8. heroes – syempre ito ang aking pinagkakaguluhan ngayon. kasalukuyang nasa season 4 na ang palabas. hindi ko rin nakakalimutang pinangakuan ako ni mcvie ng episodes 11 – 14.

9. magic knight rayearth – adik na adik ako dito dati. talagang hinanap ko sa quiapo ‘yung english version para hindi na ko magsasayang ng oras na magbasa ng subtitles.

10. bt’ x – dahil sa kanya ay nangarap din akong magkaroon ng sariling robot. naisip ko, kapag nagkaganon, gusto ko ay hango sa imahe ng isang dragon, parang si raido.

11. full metal alchemist – natuwa ako sa pseudo-scientific na approach lalo na sa kakayahang makalikha ng mga ibang bagay mula sa isang uri na may kaparehong mass. bonus na ang philosopher’s stone.

12. fushiigi yuugi – sino ba ang hindi naaliw sa pag-iibigan nina miyaka at tamahome? sino ang hindi nalungkot sa sakripisyo ni hotohori? sino ang mas baliw pa sa akin ngayon?

katulad ng nasabi ko na, ang mga ito ay ilan lamang sa aking nakahiligan. ang mga nasabing palabas, hindi man tunay na nangyayari sa kasalukuyan, ay sumasalamin sa ilang katotohanang tunay na kapupulutan ng aral.

at sa muling pagsalang ng aking telebisyon, palaisipan naman kung ano ang aking bagong susundan. hindi man madaling hulihin ang aking panlasa, tiyak namang mayroon pa ring ilang palabas na nakaligtas sa aking mapanuring mata.

siguradong makikita rin kita. hanggang sa muling pagsuyod sa quiapo


***

i watch this type of series because in them, i am able to escape reality and sail into the world of the unknown. often times, i end up discovering certain things which in turn allow me to dissect and challenge my own perspectives.

8 comments:

  1. love na love ko ang rayearth at fushigi.. naalala ko dati kinakanta-kanta ko rin yung kanta ng fushigi kahit di ko naiintindihan. ahihihihi..
    naumpisahan ko rin yang smallville at save the cheerleaer save the world ng heroes..

    try mo ung lost..prison break..24..hmm ano pa ba? kwela ang house...alis, greys anatomy, kidnapped, uhmmm numbers.. ahihihihi di naman kase ako suki ng mga series eh.. pramis... ahihihihihi

    napadaan lang poh..

    ReplyDelete
  2. pinapanood ko din magic knight rayearth and BTX dati, alam ko may mga re-runs sila minsan sa cable channel na Hero.

    i like charmed as well kaso di ko pa tapos yung last season nun and yung heroes, nakabawi na sya from season 2, ok na sya ulit, medyo may flow na story. kaya excited na ako sa season 4, iniipon ko muna, para isang pasadahan na lang, hehe.

    ReplyDelete
  3. kasalukuyan kong pinapanood ang supernatural at nasa episode 10 na ako ng season2. :)

    ReplyDelete
  4. Sinubukan kong magmarathon. Ang natapos ko lang ay yung Ultraman NeXt. The rest, nakalimutan ko nang sundan. Hehehe.

    ReplyDelete
  5. Kabisado ko ang tagalog translation ng magic knight at btx. nyahahaha!!! may kabisado din akong spell sa charmed... at season 3 episode 4 pa lang ako sa heroes. ang lungkot.

    ReplyDelete
  6. Gusto ko mapanood ang buong Naruto. Haaaay, kainlab naman yung kwento ni Miyaka at Tamahome. *kilig*

    ReplyDelete
  7. Waaaa! Ako mas gusto ko sa bahay lang talaga. Kesa sa lumabas.

    Dati nung madami dami pa ako oras, sinusubaybayan ko ang House, Avatar, Naruto etc. Busto ko din nung charmed at heroes. hehe.

    Kung sa movies, recommend ko "I am David" at "The Hiding place" if you're into ung mga holocaust days.

    hehe :P

    ReplyDelete
  8. nice list of animes and tv series.

    given the types of series you like, i recommend:

    code geass - 2 seasons [pure awesomeness!]
    death note
    trinity blood

    pushing daisies
    fringe

    well, yan lang muna! =)

    ReplyDelete